November 21, 2009

Koreanong Hilaw


Nakakarinig na naman ako ng lenggwaheng hindi ko maintindihan. Hindi naman bisaya o kung ano. Kakaiba sa pandinig pero dahil madalas ito sa tenga ko, hindi na bago.

Noong nakaraang bakasyon, bago pumasok sa bagong school year pilit kong ipinanuod sa mga kapatid ko ang pinakakinaadikan kong korean series, "I'm Sorry I love You". Ang korni ng pamagat pero wala na kong pakialam dun. Istorya naman ang nagdala.

Dahil nga series ito, medyo mahaba at mahirap putulin. Hindi ka patutulugin pag na-hook ka na. Hehe. Sa KBS ko ito unang napanuod nung may cable pa kami at dahil natuwa ako masyado dito, gusto kong maramdaman din nila ang naramdaman ko. Haha. Drama kasi ito kung drama, kakaiba ang istorya. Panalo talaga. Ilang araw lang namin ito natapos, wala naman nga kasing pasok at manipulado pa namin ang bahay, nasa bakasyon kasi ang tatay namin.  

Matapos naming mapanuod ang kabuuan ng seryeng ito, hindi lang kami sa istorya nadala, magaganda rin kasi yung kanta, lalong nagpapadrama ng istorya. Yung tipong kahit mo naiintindihan eh alam mong nagdadrama sya. Hehe. Bukod doon, ang pogi naman kasi ng bida. Hahaha. At ito na nga ang simula ng pagkalat ng mga mukha nila sa kompyuter namin. Hindi na ako masyadong "naadik" siguro dahil pangalawang ko na nga itong napanuod. Masaya na ko na may kopya na kami ng soundtrack nito. Pero AKO ay hindi katulad ng mga kapatid ko. Hindi ko inaasahan na ganun na lang silang maaadik dito. Parang dapat ko pa yatang pagsisihan na inalok ko sa kanila yung palabas na yun.

Bukod sa paulit-ulit nilang pinapanuod ang ilang eksena para maiyak, paulit-ulit ring tumutugtog ang soundtrack nito at nang magsawa... naghanap ng bagong koreanovelang kaadikan. At aming natagpuan ang "Boys Over Flowers". Buwan na ng Mayo noon at wala pa rin kaming ginawa kundi mag DVD marathon. Inaamin ko, naadik rin ako rito. Haha. At kung naadik ako, paano pa kaya ang mga kapatid ko? Ow my God! Terrible! Punong-puno na rin ang pc namin ng pagmumukha ni Jun-Pyo (may sariling folder), walang humpay na music video at mga kopya ng lyrics nito.

Akala ko hanggang dun lang. Akala ko kuntento na sila sa pakikinig at panunuod nito. Mali ako. Syempre gugustuhin mo nga namang makasabay sa pinakikinggan mo. Hayun, tama ka kung iniisip mong kinasibado nila bawat linya ng mga kanta sa seryeng ito. Bawat salita. Pangako. Iyan ang naging laman ng utak ko sa mga nalalabing araw ng bakasyon. Paulit-ulit na Nobody But You at iba pang kanta ng putragis na Wonder Girls. Hanggang sa pagtulog naririnig ko ang mga batang nagkakabisa ng dayuhang musika.

At hanggang ngayon nga eh hindi pa rin natatapos ang kabaliwang ito. Mas maganda nga naman kung alam mo rin ang ibig sabihin ng mga kinakanta mo at sa maximum eh matutunan maging ang pagsulat ng mga lenggwaheng ito. Haay. Hinahangaan ko na sila para sa kalokohang ito. Malapit na silang magtagumpay sa gusto nilang mangyari sa mga buhay nila. Haha. At ako ang pangunahing kontra-bida. Binibigyan ko nga sila ng solusyon sa sakit nila, bakit hindi ang alibata? Bakit hindi ang bisaya? Naiintindihan kong isa ito sa libangan nila, panandaliang sigla dahil sa buong araw ng pagkasubsob sa eskwela, minsan kasi mukhang hindi na masaya. Hindi naman ako tutol sa pagkatuto, natutuwa nga ako sa aspetong ito na gusto nilang may matutunang bago. Hindi ko nga siguro sila mauunawaan dahil hindi ako sila. Haha.

Nababaliw lang ako, dahil sawang-sawa na kong makarinig ng mga kantang hindi ko maunawaan. Mga kantang naging bahagi na ng sistema ko dahil sa walang humpay na pagtugtog nito. Pakiramdam ko mga alien na sila. Haha.

Ang tanong ko lang eh, kailan kaya sila magsasawa? Kailan kaya matatahimik ang tahanan namin sa espirito ng mga koreanong 'to? Haha.

SET ME FREE.

1 comment:

kesi said...

ang KJ mo! next time i-blog ko naman yung tha addiction ko! hahahaha.

Post a Comment

C'mon, speak out!