November 17, 2009

Babay Tong. :(





November 10, 2009 nang manganak ang pusa naming si Cutie. Katulad noong una, tatlo rin ang anak nya ngayon na pinangalanan naming Tong, Shin at Pim. Nakakatuwa. Madaragdagan na naman ng makukulit sa bahay. Kakaiba ang mga kuting na 'to sa mga nauna, hindi sila mahahaba. Ang mga katawan nila'y mabibilog at napakatataba. Ang kukyut talaga. *gigil. Pero kapansin-pansin ang isa sa kanila. Hindi sya katulad ng mga kapatid nya na matataba at malulusog. Kakaiba ang payat at liit nya. 

Sya rin ang may ibang kulay kaya't bukod sa kaliitan nito'y madali itong makilala. Palagi naming binibisita ang munti nilang kahon na nagsisilbing bahay bila sa ngayon. Nakakatuwa silang tignan, wala pang mga mata. Ikot ng ikot, nagkakapaan. Tulog lang ng tulog. Napakabilis lang ng paglaki ng mga kuting, kaya sa loob ng dalawang araw na tuloy-tuloy na pagdede kay Cutie eh, lalo pa silang tumaba at bumilog. Sa dalawang araw ngang iyon na lumipas, napansin namin ang paglala ng kondisyon ng pinakamaliit na kuting na si Tong. HIndi sya tumaba, mukhang lalo pa ngang nangayayat. Sa pagbabantay nami'y aming napag-alaman na hindi sya nakakakain o nakakuha ng gatas kay Cutie. Hindi kaya ng katawan niya. Hindi nya kayang buhatin ang kanyang sarili dahil sa maliliit na mga kamay nya. Gustong-gusto nyang gumalaw pero dahil sa hindi nga nya kaya, puro pag-iyak na lang ang nagagawa nya. Ang iyak nya'y mas nakakaawa pa sa tao, sa isang sanggol. Sobrang sakit siguro ng nararamdaman nya. Wala naman kaming magawa. Nagsimula ng umiyak ang kapatid ko. Binanatayan lang sya ng nakababata kong kapatid at sa tabi ng kanilang kahon nag-aral.

Habang lumalalim ang gabi ay lumalalim rin ang pag-iyak ni Tong. Kung ikaw ang makakarinig siguradong hindi ka rin makakangiti. Hanggang tinawag ako maging ng aking ate, nang magpunta ko sa kinalalagyan nila, hindi na humihinga si Tong. Nagsimula ng humagulgol ang nakababata naming kapatid. Baka raw natutulog lang. Binuhat ko si Tong at tiningnan, ngunit wala na talaga. Hindi na sya humihinga. Hindi na kaya ng kanyang musmos na katawan ang kung anumang sakit na nararamdaman nya. Kawawang kuting. Hindi man lang nakasilip sa munting mundo.

Katulad ng mga taong nalulungkot dahil sa pagkawala ng mahal sa buhay, nakakalungkot ring mawalan ng mga kuting o ng alagang hayop. Panglimang beses na 'tong nangyayari kaya't sadyang nakakalungkot.

Namaalam kami sa kanya gayundin si Cutie na awlang kamalay-malay na nawalan na naman sya ng anak.

Isang malungkot na gabi. Sana'y hindi na 'to mauilit muli.

Kung hindi ko kakilala ang makababasa nito, malamang ay tatawanan ako. Parang tanga siguro. Pero para sa akin ay isang seryosong bagay din ito. Napupunan ng mga hayop ang ilang bagay na hindi kayang ibigay ng tao. 

Babay tong... :(