December 17, 2009

Impyerno



sa kanya galing 'to.

Sa loob ng isang linggo, hindi lang isa o dalawang balita tungkol sa sunog ang narinig ko. Narinig lang pagkat hindi ko tinututukan. Hindi ko na gustong makita ang mukha ng mga taong nasalanta at umiiyak sa paghingi ng tulong sa inaasahang gobyerno na wala rin namang maibibigay. 

Pauwi na 'ko galing skul, napansin kong hindi ordinaryo ang trapik sa dinadaanan ko. Pag sumilip ka sa labas, makikita mo ang patung-patong na mga yerong itinabi ng mga tao. Nagwawalis ng abo at kinukuha ang maari pang pakinabangan. Nagkasunog pala. Hindi ko alam. 'yun lang ang mga tagpong hinayaan kong makita. Sinarado kasi ang daan nung araw na 'yun at kinailangan pang umikot. Sa paglampas ng dyip namin roon, naglaro sa isip ko ang mga ordinaryong eksenang nasasaksihan ko tuwing mapapadaan doon. Ang maliit na batang nagtatakbuhan sa tapat ng kanilang mga bahay, hindi nababahala na baka masagasaan ng mga sasakyang dumadaan. Sukat na sukat nila ang kanilang lugar at mumunting palaruan. Ang mga tent ng patay, palaging may lamay. Titignan ko palagi ang sukat ng kabaong at madalas ay mukhang bata ang pinaglalamayan. Mga nagbabasketbol gamit ang maliit na bolang hindi angkop sa edad ng mga naglalaro, mga tambay sa karinderya at mga nagvivideoke. Ganoon nag mga eksena sa kanilang normal na buhay. Naisip ko lang, may makikita pa kaya akong ganito matapos ang mala-impyernong sunog na tumupok sa kanilang mga improvised na bahay?

Nang sumunod na araw, pinagmasdan ko ang lugar, wala akong nakitang mga bata, mabuti't wala ring nakaburol. Hindi ko alam kung may namatay, sana'y wala. Kapansin-pansin ang pagliwanag sa lugar, pero kapansin-pansin rin na tila parang walang nangyari. Ganun pa rin ang atmosphere. Isa lang ang tanong na naiwan sa isip ko, "Asan kaya sila, magpapasko?".

Nasa kalahati na ko ng byahe nang makarinig kami ng malalakas na ugong ng fire trucks. Sa daan namin ito papunta, lingunan ng lingunan ang mga tao. Tila natataranta. Hindi pa man nakikita ang pangyayari ay alalang-alala na para sa mga  biktima. 

Sa pagtuloy ng byahe, inabot pa namin ang eksena. Hindi ko makita nag malaking apoy dahila nasa dulo ako ng dyip. Gusto ko ring makita, pero ayoko. Matagal, medyo matagal. Wala ng dyip na nakasunod sa amin, blangko na ang hi-way, maraming tao ang nakatango at sinasaksihan ang paglamon ng malaking apoy sa ilang mga bahay. Patuloy pa rin ang pagdating ng mga bumbero. Nang tila wala ng pag-asang makadaan pa, umiikot na aming sinsakyan and a glimpse of that fire crashing scene takes my eye. Parang malaking siga ng uling. Pumikit na lang ako. 

Nalulungkot ako sa mga nasaksihan ko, lalo't heto nga't magpapasko. Sa hirap na dinaranas ng mga pilipino, mahalagang kahit bahay lang ay meron ka. Pa'no pa ngayong wala na ngang panghanda, wala pang bahay na matutuluyan. Saan nila pasisilungin ang mga anak sa literal na lamig ng kapaskuhan? 

Sa huli, sa teknikal na pagsusuri ng mga eksperto sa pinagmulan ng sunog, lalabas na kasalan ang hindi pag-iingat. Pero kung titignan mo sa mas malalim na aspeto, uugatin nito ang sosyo-politikal at kultural na kalagayang meron tayo. Kultura pa rin babagsak. Walang ibang dapat sisihin sa mga sakuna kundi ang tatlong salot. 

Ikaw, ano sa tingin mo?

No comments:

Post a Comment

C'mon, speak out!